10 Kumainments

Nanonood ka ng paborito mong soap opera/telenovela/teleserye/anobadapatangtawagsamgato at nag-commercial. May mamang pamilyar na kakain sa mesa at may katabing dalawang tinapay na nakatayo. Siya si Mang Moy (pinaikling Moises), at kahit na mukhang lumalapastangan sa Lumang Tipan e nagbibigay ng Sampung Utos ng Paglafang.

Dito iyan nagsimula: http://www.youtube.com/watch?v=OzNWiWIOirY

Dati kasi e napaka-boring ang pagkakahayag nito: Click. English pa. Madalas e sa eskwelahan lang at health center mababasa ito, at ang pang-udyok lang na magbasa nito e kung bibigyan ka ng test pagkatapos. Ang Nutrition Guidelines for Filipinos ay isang listahan ng mga tuntunin kung paano magiging malusog sa pamamagitan ng pagkain NANG tama (magkakasakit ka atay sa pagkain NG tama, ikaw ba naman ang magalmusal ng Red Horse araw-araw). Paano ba naman, kahit sa makabagong panahon ng Oculus Rift, Six Bomb at Mamasapano (na isang alaala sa medieval na kaisipan) e napakarami pa ring bata ang kulang sa nutrisyon. Kulang sa timbang ang mga batang ito at nakapagdudulot din ng kapurulan sa pag-iisip. Marahil may magsasalita na diyan na imbes na gumawa ng santambak na TV commercial e itaas na lang ang pondo ng agrikultura. Meron na rin tayo diyan, pero DoH ang may pakana nito, at gusto nila na maabot ang kamalayan ng mga misis na nanonood ng Flordeliza. Sa dinami-dami naman kasi ng pwedeng ikasakit, napakadaling tugunan ang nutritional deficiency. At hindi nito kailangan ng mahal na gatas, cartoon character o napakamahal na gamit sa kusina. E ano naman ang pakialam ko, di ba nambababoy ako ng mga lumang kanta? Wala lang. Gusto ko ang mga listahan, at gusto ko sa mga bata. Umangal na ang aangal kung hindi muna ako kengkoy.

1. Kumain ng iba’t ibang pagkain.

Parang nakakabobo namang payo ito. Para mo na rin sinabing: Uminom ka ng tubig kapag nauuhaw, o Sa banyo ka tumae huwag sa plato. Pero kung manood ka ng TV, na nagsisilbing textbook ng madaming ina ngayon, hindi ba parang maengganyo kang makaisip na kahit instant noodles lang ang kainin ng anak mo, basta iyung binebentang noodles ng paborito mong artista o basta makainom lang ng mahal na gatas ang anak mo e lalaki na siyang malusog? At oo, sinungaling si Mikael Daez. Hindi ganoon kadami ang kailangang kainin ng tao araw-araw. Ang susi nito ay nakapagtatago naman ng vitamins sa katawan ng tao (lalo na kung mga A, D, E at K; nagtatago sila sa taba). Kaya kung kumain ka man ng kalabasa kahapon, sinulit mo sana para kung steamed okra na may bagoong ang ulam mo ngayon e may vitamin A ka pa din.

2. Sa unang 6 months ni baby, breastfeeding lamang; mula 6 months, bigyan din siya ng angkop na pagkain.

Nagbubukas ang komersyal na tinatanong si Mang Moy kung bakit siya matangkad. Hindi niya sinabing nagkakanin siya nang may kasamang pinatigas na dilaw na mantika (sarap!) noong bata siya (isa na namang ideya para sa article ito). Pinasuso siya ng nanay niya. Noong ipinanganak tayo, kumpleto na ang katawan natin, pero iyung tiyan natin e mas bagay tumunaw ng pagkain na kilala nito, yung galing sa nanay niya siyempre.

(Malamang may sarili kayong joke ukol sa pagpapasuso. Dito niyo na lang ilagay.)

3. Kumain ng prutas at gulay araw-araw.

Hay, Diyos ko. Para na ring sinabing: Huwag bumili ng pirated na DVD. Alam nating lahat ito, pero hindi natin iniisip. Malamang iniisip natin na pang-mahirap ang gulay na ulam, at mahal ang prutas. O hindi masarap ang ulam na walang karne. Hindi ba malakas ang benta ng betsin dito sa atin, gaya nang mga ginisa mix.

Sige, sabihin nang kumain ng gulay, pero hindi naman kailangang ulam lagi. Pwede itong papakin. Hindi rin dapat na lahat ng gulay na alam natin e yung nasa Bahay Kubo lang. May alugbati, langka/kamansi, sayote, at iba’t ibang klase ng talbos. Mahilig ka ba sa balut? Subukang kumain ng Balut ng Kingdom Plantae, ang Bulaklak ng Kalabasa. Lahat ng ito, (oo, kahit ampalaya!) masarap nang may kaunting bagoong.

At hindi kailangang kumain ng ponkan, mansanas o mangga para sa prutas. Mag-nostalgia trip sa aratilis, atis, makopa, mabolo at balimbing. Bawat buwan, may prutas na napapanahon. At dahil hindi pilit ang pamumunga nito, kahit na maliliit, di hamak na mas masustansya kaysa prutas na mabibili buong taon kasi dinaya sa pataba o greenhouse. Sa isang magandang cheat code ng buhay, counted and pag-inom ng juice sa pagkain ng prutas. Pero dapat yung hindi na minatamis, ha.

4. Kumain ng isda, karne at iba pang pagkaing may protina.

Hindi lang kumain ng karne. May mga taong vegetarian pero kailangan pa rin ng protina sa katawan. Ang kakulangan ng protina sa katawan lalo na sa bata ay nakikita sa sakit na kung tawagin ay kwashiorkor. Nakikita ito sa pagkaing mayaman nga sa carbohydrates, gaya ng kanin o lugaw pero nabubusog man sa dami ng kinain ay kulang sa protina.

Ano ba ang ibang pagkain na may protina bukod sa isda at karne?
– Gulay gaya ng munggo, sitaw, bataw, pataneeeee!
– taho
– kuhol
– palaka
– daga
– mga insekto gaya ng kamaro

5. Uminom ng gatas; Kumain ng pagkaing mayaman sa calcium.

Ang calcium ay mineral na malaki ang halaga sa pagbuo ng buto. Pero ang pinakamahalagang gamit nito sa katawan ng tao ay sa pagpapanatili ng malusog na dugo. Kaya kapag tumatanda ang tao ay madalas nakukuba hindi dahil nawawala ang calcium sa buto. Kinukuha ito ng dugo para gamitin. Hindi kailangang bumili ng mahal na gatas. Dilis, halaan, tahong at madami pang gulay ay mayaman dito. Mga gulay na kamag-anak ng repolyo, petsay at broccoli ang tsampiyon dito.

6. Tiyaking malinis at ligtas ang ating pagkain at tubig.

Hindi lang puro vitamins at minerals ang usapan. Tiyaking hindi magkakasakit sa pagkain, hindi lamang sa pagluluto at paninigurong luto at walang makasasamang sangkap ang pagkain, kung hindi maghugas din ng kamay kapag naghahanda ng makakain at bago kumain.

7. Gumamit ng iodized salt.

Naalala niyo si L.A. Lopez?

Presidente si Ramos nung nakuha siyang magtinda ng ibang klaseng asin. Hindi kasi uso sa mga lugar na malapit sa dagat gaya ng NCR na magkulang sa iodine. Isa itong mineral na mahalaga sa pagbuo ng utak habang bata pa. Sa pagtanda, ang kakulangan nito ang nagdudulot ng sakit na bosyo. Ito yung madalas nating makita sa Kapwa Ko Mahal Ko na parang nakalunok ng pakwan, pero imbes na buntis e naiwan sa lalamunan ang pakwan.

8. Hinay-hinay sa maaalat, mamantika o matatamis.

Una, lahat ng sobra ay masama. Pangalawa, hindi naman bawal. Kumain lang na para bang napakadami nitong klaseng pagkain sa mundo. Iyun bang pagsasawaan mo. (Hindi ba parang ganun naman talaga ngayon?) Bukod sa maluntrisyon, malaki ang kinalaman ng sobrang pagkain sa mga sakit gaya ng diabetes, sakit sa puso at stroke.

9. Panatilihin ang tamang timbang.

Aray, talo ako diyan. Pero sa totoo lang, kailangang panatilihin ang timbang na tama lang upang umiwas sa sakit. Ngayon, isa sa mainam na paraan upang malaman kung tama ang timbang e timbangin ang sarili. E, paano gagawin ang pagpapababa ng timbang at pag-iwas sa mga sakit na nagdudulot ng kakulangan ng sustansya sa katawan?

10. Maging aktibo. Iwasan ang alak; huwag manigarilyo.

Boom panes. Sige lalakad muna ako. gtg

10-kumainments-20141028-filipino


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: