Sawa

Sa mga nakakita na sa akin, mayroon silang mapapansin. Hindi ko kamukha si Enrile noong bata pa siya. Mahirap paniwalaang naging bata si Enrile. Mas kamukha ko si Martin Nievera kung nakarami sa pulutan nang uminom kasama si Bryan McKnight noong hiwalayan ni Pops. at makikitang nag-pose nang pagkasexy-sexy sa FHM. tapos dagdagan mo pa ng 50 pounds.

Madaming mga tao ang overweight gaya ko. Maraming dahilan at pinanggalingan ang mga ito. Maraming sinisisi: genes, family eating patterns, alak, at sawing pag-ibig. Madalas ay halu-halo na rin. Sa ganang akin, tabain talaga ako, nakilalang “chubby” mula noong bata pa. Ako iyung tipong “napabayaan sa kusina” at “kalatog-pinggan.” Napabayaan sa kusina dahil sa takaw ko at sa hilig sa pageeksperimento sa pagkain. Kalatog-pinggan dahil madali akong magising sa kalansing ng kutsara sa pinggan kapag maghahain na.

Mahirap paniwalaan ano? Lalo pa dahil Tiki-tiki lang ang pampagana sa pagkain ng mga bata noon. Kahit yung mga gamot namin mapait, lalo na iyang sinusumpa kong Tempra na iyan. Wala pang Lactum, wala pang 3+ at 5+ milk. Ibang baka ba ang pinanggalingan ng mga iyun? Napakagana kong kumain. Wala akong kasawa-sawang kumain. Madalas ay kanin pa ang pagkain ko mula almusal hanggang hapunan. Hindi lang iyan, kung ano pa ang ulam sa tanghali e lasap na lasap ko pa rin sa gabi. Cook kasi sa ospital ang papa ko, at minimum yield niya e 20 servings.

Pero nagkaroon din ng panahon na nagsawa ako sa pagkain. Ito iyung nasa elementary pa lang ako, bagong lipat sa Grade 3 sa parochial school. Dahil medyo malayo ang Sta. Mesa sa San Juan, pinagbabaon ako ng kanin. Sa umpisa OK naman, pero dumating ang araw na nagpasya ang gobyerno na gumaya tayo sa mga Kano: Daylight Savings Time daw. Nalito kaming mga bata noon. Nauubos na ba ang liwanag ng araw at kailangang tipirin? Wala naman, pareho lang. Sing-aga lang naman nang alas-sais ng umaga ang pasok namin. Nariyan yung gigising ang nanay ko nang alas-kuwatro nang umaga para ihanda kaming pumasok. May isa pa akong palayaw noong mga panahon na iyon, “tulog mantika.” Nagluluto rin ang nanay ko nang babaunin ko sa eskwela. Ilang araw kong binati sa tanghali ang masebong adobong manok, na kapag January e namumuti sa mantika. Talagang nagsawa ako sa ulam ko noon pati kanin ko e hindi ko makain. Hindi naman ako nagbabaon ng pera dahil sinusundo ako sa pagpasok at pag-uwi at pangkain lang ang silbi ng baong pera para sa aming magkapatid, tuwing field trip lang ako nakakapagbaon ng pera. Napansin ito ng nanay ko at binaunan ako ng hotdog. Tuwang-tuwa ako. Nahinto lang nang naabutan ako ng isang pilyong kaklase:

“alam mo ba kung saan gawa ang hotdog? Sa titi ng aso.”

Pasensiya na, malakas ang imahinasyon ko e. Ang hotdog naman kasi kapag pinirito, kumukulubot ang balat kapag lumalamig na. Pati hotdog ay pinagsawaan ko na. Marahil kahit hindi ako ginago nung kaklase ko e magsasawa din ako. Hindi pa kasi uso yung Pri-Ka-Knorr noon e.

Hindi naman ako pumayat. Malakas pa rin ang kain ko kapag umuuwi ako sa bahay. Lagi lang akong napagagalitan tuwing umuuwi nang bahay. Pero napaisip ako, bakit nga ba gusto ng nanay ko na magbaon ako? Para lang naman makakain ako at hindi magutom kapag nasa eskwela. Kung ako nga e gumigising nang 4:30 nang umaga, paano pa kaya ang mama ko na gigising sa akin habang nagluluto nang ulam at nagpaplantsa ng polo at pantalon ko? Nahiya ako sa sarili ko. unti-unti, nabago ko naman. Natuto na akong kumain ng kahit anong nakahain, kahit na katatapos ko lang kumain nito. Noong mga panahon na iyon, nadiskubre din ng nanay ko na may de-latang tuna.

Ngayon, hindi na ako mapili sa pagkain. Nariyan yung mag-aaral ako sa high school at sa canteen na kinakainan namin, laging munggo ang inoorder ko. Ako ang pumili noon. Hindi rin nagsasawa. Naaalala ko pa rin kasi ang pag-ibig ng ina. Walang sawa.


3 responses to “Sawa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: