Ang Mantika at Pilipino

Sa mga pagkaing Pilipino, ang isa sa mga kinakawawa ngayon ay ang mantika. Marahil sasabihin niyo, “Ngunit hindi kinakain ang mantika!” Maaari kayong mandiri, mainis o pagtayuan ng balahibo sa pagsasabing kailangan ang mantika sa katawan. At maaaring patunay ang reaksiyong iyan na kawawang pagkain ngayon ang mantika.

Dati-rati, mayayaman lamang ang nakakatikim ng mantika araw-araw. Kapag sinabing “masasayaran na naman ng mantika ang labi,” ibig sabihin may handaan, madalas, kasalan. Dati kasi kapag kainan, mag-iihaw lang ng hinuling isda mula sa bukid, o kaya, ipapatong lang ang talbos ng kamote sa nagiin-in na kanin (papatakan na lang ng bagoong/patis/asin mamaya pagkaluto). Sa ngayon, madalas na ang pagkain ng pinirito ng mga Pilipino. Madalas na rin kumain ng karne kaya ngayon mas madalas na tumataba ang Pinoy. At mantika, aminin natin o hindi, ang nagpapasarap sa pagkain (kasama ng asukal). Pero sisihin daw ba ang mantika? Malay ba nun e hindi naman nag-iisip ang mantika? Tao ang gumagamit ng mantika hindi dapat sisihin ang pagkain.

Mga uri ng mantika

Sa makalumang Pinoy, wala pa ang Baguio Oil (Order ni Misis!), minola, etc., ang paggawa ng mantika ay ginagawa sa isang hapon lamang. Sa aming probinsiya, kukuha ang aking lola ng niyog, kakaskasin ang puting laman nito (sa ngayon pupunta ka lang ng palengke) sa kudkuran (ito yung nakaupo ang mangkukudkod sa isang bangkito na may nakakabit na matalas na parang tinidor o  tansan). Pagkatapos, ito ay gagatain. Pagkakuha ng gata, ito ay lulutuin sa isang kawa (o kawali, kung kaunti lamang ang gata). Makailang-ulit itong hahaluin sa mababang apoy (na sa amin ay mula pa sa pinatuyong kahoy) hanggang magmantika. Iyung laman nito ang alam ko ay inilalagay pa nga sa bibingka at iba pang kakanin. Kung gagawin naman ito sa Kuwaresma, dadasalan ng kaunti para maging mahiwagang pamahid sa mga sakit sa katawan.

Kung meron naman kayong kinatay na baboy, mas madali. Kapag ako ay magluluto ng ginisa, una kong ihuhulog sa kawali ang mga piraso ng baboy na ma nakakabit na taba (iyung malapit sa balat). Igigisa ito hanggang magmantika. Siyempre, halo lang nang halo para hindi masyado dumikit sa kawali. Pwede na ngayon ihalo ang bawang at sibuyas.

Sa ngayon, marami nang klase nang mantika. May olive oil, may virgin coconut oil (Paggawa: 1. Kumuha nang gata. 2. Patiningin hanggang magmantika. 3. Salain (Bakit ang mahal-mahal?)), may corn oil, may peanut oil, may safflower, may sunflower, may canola, may rapeseed… Mas exotic ang pinanggalingan, mas mahal. At pare-pareho lang naman taba ang mga ito o “fat.” Pare-parehong gawa sa triglycerides, sa fatty acids at esters. Pare-parehong 9 calories per unit (Hindi tulad ng carbohydrate at protein na tig-4 calories lang).

Ngayon, mas lalo pang pinalilito ang suking mamimili. Alam niyo ba na ang Dari Creme ay hindi naman butter? Para masabing butter dapat 100% gawa ito sa gatas ng baka. E kaya naman pala mas mura ay hindi naman butter ang Dari Creme (at iba pang brand sa market) kung hindi margarine. Mantekilya. Margarine din ang Star. Sa sobrang gusto kong tumalino at tumangkad noong bata ako pinapapak ko ito. Bawat kanin ko may isang kutsara nito. Hindi naman ako nasobrahan noon dahil nakakaumay ang Star. Pero ngayon may garlic flavor, may sweet blend na!

Tapos ngayon mayroon na ring Low Fractionation Palm Oil. Napanood ko sa Tv ang isang programa na nagpa-plug nito at tawa ako nang tawa sa mga host dahil pinagpupumilit nila na banggitin ang buong pangalan ng mantika kasama na yung parirala na “low-fractionation palm oil.” Mas mahaba pa sa pangalan ng recipe (na fried chicken lang naman).

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: