Repost: Ano Nga Ba ang Magkapares?

First posted at http://www.pinoyspy.net

Noong bata pa ako, wala akong perang binabaon. Simula noong kinder ay bumibili si Mama ng ensaymada at isang DOY pack ng sunglo sa Jo-ni’s bago ako pumasok sa eskwelahan ko na tinatayuan na ngayon ng Ospital ng San Juan. Nang hindi na ako naglalakad upang pumasok sa eskwela, nagbabaon naman ako ng kanin. Kung may ekstrang pera naman ako’y itinatakas ko panlaro ng sampung minutong Mortal Kombat sa rentahan…

Ngunit nang tumuntong ako sa high school, nalaman ko ang kahulugan ng “purchasing power.” Sa pananatili ko sa University belt, marami akong natutunan ukol sa salapi, at paggastos. Isa na rito ang paborito kong paksa, ang pagkaing kalye.

Kumakain ako sa daan, pero namimili rin naman ako. Mas tama na sabihing sa mga kainan sa daan ako mahilig kumain. May tapsilog, mamihan, gotohan, at kahit iyung generic na karinderya, nakainan ko. Pero may isang kainan noon na nasubukan ko lang nang tumuntong na ako sa kolehiyo (dangan kasi’y hindi pa kaya ng aking “purchasing power.”) PARES.

Ano ang itsura, lasa at amoy ng pares? Ang pares ay madalas na braised beef o beef stew na may matamis na sabaw at amoy anis (star anise), sinangag na madalas na idinudulot sa mangkok at hindi sa plato, at sabaw ng nilagang baka (hindi ko alam bakit kailangang dalawang klaseng sabaw ang kasama nito). May dagdag na kasiyahan sa aking puso kapag may chili oil at isang kutsarang tustadong bawang.

Sa mga dumadaan sa España maraming ganito, madalas ang nakalagay pa nga ay Original Pares and Mami… Napakarami nilang original ano? Pero ayon sa Internet, (wala pa yatang aklat na tumatalakay sa mga bagay sa kulturang Manileño na tulad nito) nagsimula ang pares sa Jonas, isang kainan sa kanto ng Retiro at Mayon St. sa Quezon City. Base sa ikinuwento sa forum ni leightot (taga-espiya.net) malapit lang siya dito kung gusto niyong pumunta, pero may mga branch na yata ito sa ibang lugar gaya ng mall. Natikman ko na rin ang pares dito dahil nang noong ako ay may pasyente pang pinupuntahan sa bahay nadadaanan ko ito. Palagay ko hindi naman gaano kasarap ang pares nila, mas masarap pa ang ilan sa mga nanggaya sa kanila.🙂

Sinasabi sa Internet na ang nagsimula ng pagkaing ito ay isang lasing na madalas kumain sa Jonas. Ang madalas niyang kinakain ay braised beef at may sabaw ng nilaga (Hayun!). Hindi ko rin alam kung gaano kadalas kumain ang lasing na ito o kung sikat ba siya para magsimula ng uso. Ang alam ko nasarapan din ang ibang tao na sumubok ng pagkain niya. Kaya nga raw “pares” ang pangalan ng pagkain dahil sa pares ang beef at sabaw.

Kung gusto niyong sumubok, mag-ingat sa pag-order, dahil wala namang standard recipe para dito. Minsang kumain ako sa istasyon ng MRT sa Shaw at nagulat ako sa inorder kong “pares”, nilagang baka lang at sinangag. Ni walang chili oil! Tapos may karapatan pa rin silang maningil ng singkwenta pesos?!!!

Caveat emptor.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: