Repost: Ang Pagsalaula sa Burger King

First posted at http://www.pinoyspy.net

Ito ay isang kuwento. Isang kuwento ng pagsasamahan, ng pagkakapit-kamay sa gitna ng karangyaan man o kahihiyan. Ito ay isang kuwentong barkada.

Noong ako ay nasa high school pa sa isang pamantasan sa University Belt, naging miyembro ako ng itinayong bagong-bagong troop ng Boy Scout of the Philippines sa paaralan na iyon. Mahirap na masarap ang buhay scout. Imbes na makakapagpahinga tuwing Sabado nang umaga, papasok kami para magtraining. Kung sabagay kasabay namin ang 4th year na pumapasok sa CAT. Nakasuot pa kami ng Type C na uniform noon, puting shirt, pants at saka ang ever-present na neckerchief. Masarap naman ang may tambayan bago umuwi; ibinigay kasi sa amin ang isang classroom na hindi nagagamit. Pero kargo namin ang pag-aalaga. Araw-araw may nakatoka para maglinis, dahil dapat walang alikabok. Mabuti na lamang at may gitara. Kahit hindi ako marunong tumugtog nakikijamming naman ako sa barkada kong marunong. Repertoire pa namin noon kung hindi Eraserheads, Beatles din. Parang “Hey Jay” tapos i-segue mo sa “Hey Jude.”

Sa mga pagsasama-sama namin noon tuwing Sabado nang umaga minsan kahit na tapos na ang training parang hindi pa kami handang umuwi. Kaya minsan aalis kami bilang isang grupo. Madalas sa pinakamalapit na mall, tatambay sa arcade (hindi pa uso ang internet noon). Masyado naman kaming madami para umupa nang mesa sa bilyar o unit ng Playstation kaya madalas laro na lang o kanta sa arcade. Bilang paggalang din naman sa paaralan namin, hinuhubad namin ang aming neckerchief at kalabaw, para kung sakaling may kapalpakan kaming ginawa.

Isang tanghaling natapos kami, gutom kaming lahat. Sa malapit na kalye na katapat ng isa pang pamantasan, may bagong tayong Burger King kaya napagkaisahan naming pumunta doon. (Nang mga panahon na iyon, ang Burger King ang parang Krispy Kreme ng burger. Bilang promo, bottomless ang drinks nila at hindi lang iced tea.) Medyo maliit lang ang baon namin kaya malaking bagay na ang pumunta kami doon. Noong mga panahon na iyon, hindi ko maiisip na pumunta doon para kumain dahil nga sa aking purchasing power ay hindi pa ganoon ka-powerful.

Sampu kaming pumasok sa Burger King at umakyat sa pangalawang palapag. Masaya naming pinagdikit-dikit ang mga mesa upang magkakatabi kami sa pag-upo. Tila kami nasa presidential table sa kasalan! Hindi naman kami pinansin ng management noon dahil walang masyadong tao sa itaas. Saka kung may kalokohan naman kaming gagawin, mapapansin agad nila dahil nag-invest sila sa isang maliit na video camera (napansin namin ito nang bumaba kami para umorder. Kita pala kami sa counter sa ibaba!)

“To business!” Kaya paisa-isa kaming bumaba para umorder ng tigitigisang Blazing Burger at isang drink. Ito kasi ang pinakamura. Yung iba umorder na rin ng Onion Rings. Nabighani ako sa Onion Rings at noon ko lang nalaman na tumatamis pala ang sibuyas kapag niluluto.

Pagkaakyat ng mga order, nagsimula na kaming lumamon. At uminom. Hindi ko alam kung sinong Herodes ang nagyaya sa isang paligsahan. Paramihan nang maiinom. Unlimited drink eh! May umaangkin na nakainom na siya nang 20. Mayroon naman na ayaw pumayag. Lahat kami interesado kaya napagkaisahan na namin. (Ang mga inumin sa Burger King pa noon ay mga produkto ng Coca-cola, may Lift pa noon. At Hi-C pa ang juice drink nila. Sa branch na ito, may grape at apple na juice.) Madalas ay may bumababa sa grupo namin para kumuha ng inumin.

Nang maubos na ang burger namin, naging mas mainit na ang labanan. Nag-aagawan na kami ng fries at onion ring para panulak. May dalawang hunghang naman na lumabas sumandali upang bumili sa katabing Burger Machine at kinain sa loob ng Burger King. (Buti pa sila may pambili pa ng burger, hehehehe…) Ako naman itong engot na walang anu-ano’y kinuha ang hindi pa nabubuksang sachet ng tomato ketchup at hinigop ito. “Pare, masarap!” sabi ko sa kanila, at marahil nalasing na ako noon sa iniinom kong Lift (nakakalima na rin akong baso). Nagsunuran naman sila.

Noon ko naisipang gumawa ng isa pang trip. Takpan natin ng sachet ng ketchup ang tray! Kaya nagsibabaan ang mga kolokoy, paisa-isa, padala-dalawa ang kuha ng ketchup. Sa taas, tuloy ang ligaya, para kaming mga hayok na pataygutom na animo’y langit ang hinihithit sa pagsipsip sa ketchup.

Hanggang sa maubos ang ikaanim kong Lift, pagbaba ko, naisipan kong mag-iba ng inumin. “Kinakaya naman ng iba na paiba-iba ng inumin. Kaya ko rin ito. Sayang naman kung isa lang ang iniinom ko.” Kaya sumalok naman ako ng Hi-C. Grape.

Naalaala ko noon, kahit na medyo malabo na ang aking memorya, ang mga sumusunod: umabot ng 115 na sachet ng ketchup ang nasipsip naming mga hilaw na aswang, ang pinakamaraming nainom na baso ng softdrink ay 14, nagpumilit akong pumasok ng kubeta noon pero puno ito, nakasandal na ako noon. Ito na siguro ang pakiramdam ng nalalasing, sabi ko. At alam ko na ang susunod kapag nalalasing…

***

Bumulwak sa pulang tray ang laman ng aking bituka. Pinaghalong ketchup, Lift at grape juice. Mabuti na lang at naagapan ng aking mga kasama. Tinakpan namin ng table napkin ang tray upang mahigop ang likido. Para mas lalong hindi halata, tinakpan namin ng mga naipon naming sachet. Umuwi kaming masaya, lasing sa kasiyahan, sa pakikipagkaibigan. Ako naman nalasing sa Lift!

***

Hindi na ako bumalik sa branch na iyon dahil sa takot kong makakain ng laway.🙂


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: